PULSE PH

Lithuania, nagreyna sa Volleyball World Beach Pro Tour sa Nuvali

Nasungkit ng mga Olympian na sina Monika Paulikiene at Aine Raupelyte mula sa Lithuania ang kampeonato sa women’s division ng Volleyball World Beach Pro Tour Nuvali Challenge na ginanap sa Nuvali, Santa Rosa, Laguna. Pinadapa ng dalawang naglalakihang manlalaro ang pambato ng Amerika na sina Alaina Chacon at Madelyn Anderson sa pamamagitan ng dominanteng dalawang set, 21-12, 21-11.

Ito ang kauna-unahang titulo sa Beach Pro Tour para sa tambalang Paulikiene at Raupelyte matapos silang kapusin sa mga nakaraang torneo sa Tlaxcala at Xiamen nitong nakalipas na taon. Ginamit ng Lithuania ang kanilang karanasan sa Paris Olympics upang ganap na kontrolin ang takbo ng laban at pigilan ang mga Amerikanong makuha ang kanilang unang korona bilang bagong magkapareha.

Pinangunahan ng may taas na anim na talampakan at anim na pulgada na si Raupelyte ang ratsada ng koponan nang magtala ito ng 23 puntos, habang nag-ambag naman ng 10 puntos ang dating World Youth champion na si Paulikiene. Bago makatuntong sa finals, tinalo muna ng dalawa ang tambalang Emi van Driel at Mila Konink ng Netherlands sa magiting na labanan, 21-18, 21-15.

Exit mobile version