Sinuspinde ng Land Transportation Office ang lisensya ng isang e-tricycle driver na sangkot sa magkahiwalay na hit-and-run incidents sa Pasay.
Ayon sa LTO, una umanong nakabangga at tumakas ang driver bago dumaan sa isang national road na ipinagbabawal para sa e-bikes at e-trikes. Kalaunan, nasangkot muli ito sa isa pang hit-and-run. Kumalat sa social media ang CCTV footage ng insidente.
Ipinataw ang 90-araw na suspensyon sa lisensya ng driver habang inilagay sa alarm status ang e-trike habang iniimbestigahan ang kaso. Naglabas din ng show-cause order laban sa driver at sa rehistradong may-ari ng sasakyan at pinadadalo sila sa pagdinig ng LTO Intelligence and Investigation Division.
Pinagsusumite rin ng sinumpaang salaysay ang driver upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng reckless driving at paglabag sa traffic signs.
