Simula na ang konstruksyon ng unang bahagi ng NLEX-C5 Northlink, isang ₱2.2 bilyong proyekto ng Metro Pacific Group na magkokonekta sa Novaliches, Quezon City direkta mula North Luzon Expressway (NLEX). Target itong matapos sa unang bahagi ng 2026.
Ang unang segment, na tatakbo mula Mindanao Toll Plaza hanggang Quirino Highway, ay layong bawasan ang trapiko sa mga abalang kalsada ng Quezon City tulad ng Commonwealth Avenue, Mindanao Avenue, at Quirino Highway.
Ayon kay Metro Pacific Tollways Corp. president Jose Maria Lim, ang proyekto ay bahagi ng mas malaking plano para magkaroon ng direktang ugnayan ang NLEX at C5 Road.
Kasalukuyang halos kumpleto na ang right of way (ROW) sa Valenzuela City, habang patuloy naman ang resettlement ng mga maaapektuhang pamilya sa Quezon City.
Bagama’t una itong tinatayang nagkakahalaga ng ₱11.5 bilyon, umabot na sa ₱24 bilyon ang gastos dahil sa mga pagkaantala sa ROW acquisition at civil works, ayon kay NLEX OIC Maria Theresa Wells.
Sa oras na matapos ang proyekto, higit 45,000 motorista kada araw ang makikinabang, dahil ang biyahe mula Mindanao Avenue patungong Commonwealth Avenue ay magiging 10 minuto na lang!
