Isa ang Manila sa mga kumpirmadong hihintuan ni Lee Min Ho sa kanyang multi-city fan meeting tour sa Asya ngayong 2025. Ang South Korean superstar ay muling magbabalik sa Pilipinas para sa espesyal na event na pinamagatang “Minhoverse.”
Bagamat wala pang inanunsyong eksaktong petsa, venue, ticket prices, at fan benefits, inaabangan na ito ng kanyang fans, ang Minoz. Sa kanyang social media, nagbahagi si Min Ho ng mensahe para sa kanyang mga tagasuporta:
“Countless Minoz have come together to create the world of Minho, ‘MINHOVERSE.’ Now, let’s continue this journey together, even closer.”
Sisipa ang tour sa Seoul, South Korea, at magtutuloy sa Bangkok, Macau, Taipei, Jakarta, Manila, at Tokyo.
Huling bumisita si Lee Min Ho sa Pilipinas noong Oktubre 2023 bilang global ambassador sa ika-65 anibersaryo ng isang kilalang retail company.
Sikat si Min Ho sa kanyang iconic na mga K-drama tulad ng “Boys Over Flowers,” “Legend of the Blue Sea,” “The Heirs,” at “The King: Eternal Monarch.” Kasalukuyan siyang bida sa Netflix series na “When The Stars Gossip.”
Abangan ang iba pang detalye, at ihanda na ang inyong fandom energy para sa pinakaaabangang pagbabalik ng K-drama king sa Pinas!