Magandang balita para sa mga tagahanga ng Los Angeles Lakers — malapit nang makabalik sa laro si LeBron James matapos magpagaling mula sa sciatica o pananakit ng kanyang kanang bahagi ng likod.
Ayon sa ulat ni Shams Charania ng ESPN’s NBA Today, nakatakdang sumabak si LeBron sa 5-on-5 live workout, ang susunod na hakbang bago tuluyang makabalik sa regular-season games.
Sa ngayon, hindi muna siya bibiyahe kasama ng Lakers sa paparating na limang sunod na away games, at maaaring gawin ang kanyang live scrimmage kasama ang G League South Bay Lakers o pagbalik ng koponan sa Nobyembre 16.
Bagaman wala pang tiyak na petsa ng pagbabalik, nananatiling positibo ang Lakers na makikita muli si LeBron sa aksyon bandang kalagitnaan ng Nobyembre.
Sa edad na 40, nakatakda na siyang pumasok sa kanyang ika-23 season sa NBA — isang bihirang tagumpay sa propesyonal na basketball. Samantala, patuloy pa ring naglalaro nang mahusay ang Lakers sa pangunguna nina Deandre Ayton, Marcus Smart, at Jake LaRavia, habang naghihintay ang koponan sa pagbabalik ng kanilang all-time leading scorer.
