Dinala ni Tony at Olivier Award winner Lea Salonga ang kanyang makulay at dekadang karanasan sa musical theater sa engrandeng pagbubukas ng MusicalCon ng Hong Kong sa concert na “The Magic of Musicals.” Kasama ang Hong Kong Philharmonic Orchestra sa pamumuno ng kanyang kapatid na si Gerard Salonga, naging selebrasyon ito ng nakaraan, kasalukuyan at hinaharap ng musikal na sining.
Binuksan ang gabi sa isang overture mula sa mga iconic na awitin ni Lea, bago siya sinalubong ng malakas na palakpakan sa sold-out na Xiqu Centre. Pinahanga niya ang audience sa mga kantang Pure Imagination, A Million Dreams, at isang Rodgers & Hammerstein medley, pati na rin ang By the Sea mula sa Sweeney Todd.
Nagkaroon din ng mga espesyal na pagtatanghal kasama sina Crisel Consunji at Disney artist Roy Rolloda, kabilang ang mga awiting mula sa Miss Saigon, Aladdin, at Mulan. Hindi rin nagpahuli ang mga Broadway favorites tulad ng West Side Story, Hamilton, Les Misérables, at Wicked, kung saan muling pinatunayan ni Lea ang kanyang lakas sa karakter at emosyon.
Sa kabila ng anunsiyong “huling kanta,” sinorpresa pa rin niya ang audience ng mga encore na nagpaindak sa buong teatro. Sa backstage, nang tanungin kung paano niya kinakaya ang sunod-sunod na pagtatanghal, simple lang ang sagot ni Lea: “Yeah… that’s my life.” Isang buhay at pamana na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mundo ng musical theater.
