Site icon PULSE PH

Lahat ng Ari-arian ni Quiboloy at KOJC, Naka 20-Day Freeze!

Ipinataw ng Court of Appeals (CA) ang 20-araw na freeze order sa mga bank account, real estate properties, at iba pang ari-arian ni televangelist Apollo Quiboloy matapos makita ang merito sa mga kasong sexual exploitation, human trafficking, at financial smuggling laban sa founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) church.

Ang freeze order na ito, na epektibo agad mula Agosto 6, ay sumasaklaw sa 10 bank accounts ni Quiboloy sa Banco De Oro at Metropolitan Bank and Trust Co. at pitong real estate properties sa Davao del Norte, Davao City, Davao Oriental, Mati, at Roxas City.

Kasama rin sa freeze ang limang sasakyan at isang private plane na pag-aari ng fugitive pastor.

Apektado rin ng freeze order ang KOJC, Sonshine Media Network International (SMNI), at 10 pang indibidwal na diumano’y sangkot din sa mga iligal na aktibidad ni Quiboloy.

Kasama rin sa pinataw na freeze ang 47 bank accounts, 16 real properties sa Laguna, Davao del Norte, Davao Oriental, Iloilo, Quezon City, at mga lungsod ng Davao, Tagbilaran, Mandaue, at Butuan, pati na ang 16 na sasakyan ng KOJC.

Apektado rin ang 17 bank accounts, limang real estate properties (sa Cagayan, Isabela, Cabanatuan, at Makati), at 26 na sasakyan ng SMNI.

Kasama sa iba pang respondents na pinatawan ng freeze ang mga miyembro ng KOJC at mga kompanya na kaakibat ni Quiboloy tulad nina Maria Teresita Dandan; Helen Pagaduan Panilag; Paulene Chavez Canada; Cresente Chavez Canada; Ingrid Chavez Canada; Sylvia Calija Cemañes; Jackielyn Wong Roy; Alona Mertalla Santander; Marlon Bongas Acobo; at ang Children’s Joy Foundation Inc.

Nagdesisyon ang CA pabor sa petisyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) noong Agosto 5 na i-freeze ang mga ari-arian ni Quiboloy.

Exit mobile version