Site icon PULSE PH

Lagpas 3,300 Patay sa Lindol sa Myanmar!

Umabot na sa 3,354 ang kumpirmadong nasawi sa malakas na lindol na yumanig sa Myanmar noong Marso 28, ayon sa ulat ng state media nitong Sabado. Mahigit 4,500 ang sugatan at 220 ang nawawala, habang tinatayang mahigit 3 milyon ang apektado ng lindol na may lakas na 7.7 magnitude.

Marami pa rin ang natutulog sa labas — nawalan ng tirahan o natatakot bumalik sa bahay na baka gumuho pa. Sa lungsod ng Mandalay, malapit sa epicenter, kitang-kita ang lawak ng pinsala.

“Grabe ang pagkasira,” ayon kay UN aid chief Tom Fletcher, na bumisita sa mga biktima. “Kailangang magkaisa ang mundo para sa Myanmar.”

Habang naghihintay ng tulong ang mga nasalanta, umalingawngaw rin ang batikos sa pagbabalik ng junta leader na si Min Aung Hlaing mula sa isang summit sa Thailand. Tinawag siyang “mamamatay-tao” ng mga nagpoprotesta. Sa kabila ng lindol, iniulat pa ng UN na patuloy pa rin ang opensiba ng militar — kahit may pansamantalang tigil-putukan.

Matagal nang wasak ang ekonomiya’t imprastruktura ng Myanmar dahil sa apat na taon ng digmaan sibil, at lalong nahihirapan ngayon ang international community na maghatid ng ayuda.

Nagpadala na ng tulong ang China, Russia, at India, kabilang ang mga rescue teams. Samantala, nagdagdag ang Estados Unidos ng $7 milyon sa nauna nilang $2 milyon na humanitarian aid — kahit binuwag na dati ang kanilang humanitarian agency noong panahon ni Trump.

Exit mobile version