Site icon PULSE PH

Lady Tamaraws Winalis ang UE, Inangkin ang Solo Second sa UAAP!

Hindi pinaporma ng Far Eastern University (FEU) ang University of the East (UE) matapos silang walisin sa straight sets, 25-20, 25-20, 25-23, sa UAAP Season 87 women’s volleyball sa FilOil EcoOil Centre.

Dahil sa panalong ito, umangat ang Lady Tamaraws sa 6-3 record, solo second sa standings, habang nanatiling walang panalo ang Lady Warriors sa 0-9.

Bumida si Jaz Ellarina para sa FEU na may 17 puntos mula sa 12 attacks, tatlong service aces, at dalawang blocks. Hindi rin nagpahuli sina Chen Tagaod at Gerz Petallo na may tig-15 puntos.

Bagama’t nagbigay ng matinik na laban ang UE sa second at third sets, kinapos sila sa dulo. Sa third set, lumamang pa sila ng lima, 13-8, pero hindi nila kinaya ang biglang ratsada ng FEU, na lumamang 21-19 bago tuluyang sinelyuhan ni Ellarina ang panalo.

“Expected naman na lalaban ang UE,” sabi ni FEU head coach Tina Salak. “Pero nakapag-adjust kami, kaya nakuha namin yung panalo.”

Nangibabaw ang Lady Tamaraws sa opensa, may 50 attacks kumpara sa 23 ng UE. Dinomina rin nila ang blocks at service aces.

Sa panig ng UE, nanguna si KC Cepada na may 13 puntos, habang nagdagdag si Van Bangayan ng 10.

FEU Men’s Team Walang Dungis, UE Patuloy na Lublob

Sa men’s division, nanatili namang perpekto ang FEU Tamaraws matapos dispatsahin ang UE Red Warriors, 25-19, 25-17, 23-25, 25-18.

Matapos makuha ang unang dalawang sets, bahagyang nabitawan ng Tamaraws ang pangatlo, pero bumawi agad sa ikaapat upang siguruhin ang panalo.

Pinangunahan ni Doula Ndongola ang FEU na may 15 puntos, habang sina Lirick Mendoza at Dryx Saavedra ay may tig-13 puntos.

Sa kabilang panig, hindi pa rin matapus-tapos ng Red Warriors ang kanilang sumpa—bumagsak sila sa 0-9 ngayong season at sumadsad sa kanilang ika-16 sunod na talo, simula pa noong Season 86.

Susunod na Labanan

Parehong haharapin ng FEU men’s at women’s teams ang malakas na National University sa susunod nilang laban, habang susubukan ng UE makuha ang kanilang unang panalo kontra UP sa Smart Araneta Coliseum sa Linggo.

Exit mobile version