Ayaw pang magbakasyon ng UP Fighting Maroons matapos nilang pahirapan at talunin ang La Salle Lady Spikers sa isang matinding five-set battle, 26-24, 18-25, 19-25, 25-22, 16-14, nitong Linggo sa UAAP Season 87 sa Smart Araneta Coliseum.
Dahil sa panalo, umangat sa 6-6 ang kartada ng UP, habang bumagsak sa 8-4 ang La Salle, kasalo ngayon ng UST sa standings.
Bida sa panalo si Joan Monares na may 16 puntos, habang bumida rin sa clutch moments si Kassandra Doering na may 15 puntos. Sina Kianne Olango at Nina Ytang ay nagdagdag ng 14 at 11 puntos.
Mukhang delikado na ang UP matapos ang third set, pero bumawi sa fourth set sa pangunguna nina Olango at Monares. Sa deciding fifth set, nag-init ang Maroons sa 6-1 run para kunin ang 10-5 lead.
La Salle sinubukang bumawi at naitabla pa ang iskor sa 14-all matapos ang clutch plays ni Angel Canino. Pero sa huli, isang mabilis na palo mula kay Doering at finishing kill ni Monares ang nagtulak sa UP sa panalo.
Sa kabila ng pagkatalo, nagpakitang-gilas si Shevana Laput na may 27 puntos, at si Canino na may 25.
Dalawang laban na lang ang natitira sa UP kontra UST (April 23) at Adamson (April 27), habang La Salle ay haharap pa sa Adamson (April 23) at FEU (April 26).
