Mas lalo pang pinagtibay ng La Union, partikular ng bayan ng San Juan, ang reputasyon nito bilang world-class surfing destination matapos idaos ang 2025 World Surf League (WSL) World Junior Championships.
Sinungkit ng mga Australian surfer na sina Isla Huppatz at Dane Henry ang women’s at men’s titles, na nagtala ng Australian sweep sa finals day. Nakuha ni Huppatz ang kanyang unang world junior crown matapos ang isang last-minute na panalo laban sa defending champion na si Sierra Kerr. Samantala, dinaig ni Henry ang kanyang mga kalaban sa sunod-sunod na matitinding laban upang masungkit ang titulo.
Bilang mga kampeon, awtomatikong kwalipikado sila sa 2026 Challenger Series, isang malaking hakbang patungo sa 2027 Championship Tour.
Ayon kay Presidential Assistant for Northern Luzon Ana Carmela Ventura Remigio, ipinakita ng torneo na handa ang Pilipinas na mag-host ng malalaking international sporting events. Dagdag pa niya, malaki ang naitutulong nito sa sports tourism at youth development, lalo na sa La Union.
Pinatunayan ng championship na ang San Juan ay hindi lang tahanan ng de-kalibreng kompetisyon sa surfing, kundi isa ring sentro ng kultura at turismo sa baybayin na kinikilala sa buong mundo.
