Sa panayam ni Kuya Kim Atienza kay Jessica Soho sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho, emosyonal niyang ibinahagi ang kuwento ng pagpanaw ng kanyang 19-anyos na anak na si Emman noong Oktubre 22 sa California, USA. Ayon kay Kuya Kim, matagal nilang alam na may pinagdadaanan si Emman at ilang ulit na rin itong nagtangkang saktan ang sarili. “Alam kong may dahilan ang lahat. Emman did not die in vain,” ani Kuya Kim, habang ibinahagi niyang patuloy siyang humuhugot ng lakas sa pananampalataya upang tanggapin ang masakit na nangyari.
Ibinahagi rin ng TV host na dumarating ang lungkot sa kanya “in waves,” at hirap siyang mapag-isa dahil sa bigat ng pagkawala. Sa kabila nito, labis niyang ipinagmamalaki ang tatag ng kanyang asawa, si Fely Hung, at ng kanilang mga anak na sina Jose at Eliana. Ayon sa kanya, si Emman ay matatag sa paningin ng lahat, ngunit may tinatagong sakit na dala ng nakaraan matapos makaranas ng trauma noong bata pa siya, na kalauna’y nauwi sa PTSD.
Dagdag pa ni Kuya Kim, labis siyang naantig sa dami ng taong na-inspire ni Emman at sa mensaheng iniwan nito tungkol sa kabutihan. Maging sa mga banyagang media tulad ng New York Times, TMZ, at Entertainment Tonight ay binigyang-pugay si Emman. “Ang iniwan niyang mensahe—‘a little kindness’—kumalat sa buong mundo,” wika ni Kuya Kim.
“Masakit mawalan ng anak, sakit na hindi mo alam kung saan nanggagaling, pero sa gitna ng lahat, naniniwala akong may magandang dahilan ang Diyos”
