Nagbigay ng matinding laban si Krishnah Marie Gravidez bilang kinatawan ng Pilipinas sa katatapos lang na Miss World 2025 na ginanap sa Hyderabad, India.
Muli niyang naiangat ang pangalan ng bansa sa international stage matapos mapasok sa Top 8 — isang malaking tagumpay dahil naibalik niya ang Pilipinas sa semi-finals ng prestihiyosong pageant. Kasabay nito, kinoronahan din siya bilang Miss World Asia, suot ang pearl tiara na simbolo ng karangalan ng kontinente.
“Ang Miss World journey ko? Makulay,” ani Krishnah. “Makulay sa dami ng emosyon—may saya, lungkot, hamon, at tagumpay. Para siyang rollercoaster ride.”
Nag-ugat ang kanyang tibay ng loob sa malinaw niyang layunin—hindi lang para sa sarili, kundi para rin sa iba. “Alam ko kung sino ako at kung ano ang kaya kong ibahagi,” dagdag niya.
Isa sa mga naging bunga ng kanyang karanasan ang advocacy project na “Color the World with Kindness”—isang inisyatiba na layong bigyang pag-asa ang mga kabataang nangangailangan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng mga paaralan at tahanan.
“Hindi ito tungkol sa glamour. Ito’y tungkol sa tibay, pangarap, at pagmamalasakit,” wika ni Krishnah, na minsang nangarap at nagsikap upang matulungan ang kanyang pamilya.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya na ang kanyang tagumpay ay para sa buong bansa. “Ang korona ko ay para sa ating lahat. Isa itong selebrasyon ng ating kultura, pagkakaiba-iba, at ang lakas na taglay ng pagiging Asyano.”
Nagpasalamat si Krishnah sa Miss World Philippines Organization, kay Arnold Vegafria, sa kanyang pamilya, team, at sa suporta ng sambayanang Pilipino.
Noong Hunyo 7, sinalubong siya sa isang homecoming parade sa Mall of Asia—patunay na ang kanyang tagumpay ay tagumpay din ng bayan.
Mula sa Baguio hanggang sa world stage, ang kwento ni Krishnah ay patunay na walang imposible sa taong may pangarap, tapang, at layunin.