Nagpapagaling na ngayon si Kris Aquino matapos sumailalim sa isang minor operation bilang bahagi ng kanyang patuloy na gamutan para sa ilang autoimmune diseases. Sa isang Instagram post, ibinahagi ng “Queen of All Media” ang larawan niya sa operating room at taos-pusong nagpasalamat sa lahat ng nagdasal para sa kanya.
Ayon kay Kris, ang dapat sana’y simpleng PICC line procedure ay nauwi sa isang delikadong sandali nang tumigil siyang huminga ng halos dalawang minuto dahil pansamantalang hindi gumana ang kanyang baga. Dahil dito, pinasalamatan niya ang kanyang anesthesiologist, mga surgeon, at rheumatologist na gumabay sa kanya sa kritikal na oras.
Emosyonal ding ikinuwento ni Kris na ang halik ng kanyang bunsong anak na si Bimby sa recovery room ang nagpaalala sa kanya na “utang namin na buhay pa rin ako,” at naniniwala siyang ginabayan ng Holy Spirit ang buong medical team.
Nauna nang ibinahagi ni Kris na naantala ang operasyon dahil tumaas ang kanyang blood pressure sanhi ng migraine. Ikinuwento rin niya ang pag-aalala ng panganay niyang si Josh at ang matibay na samahan nito kay Bimby, na nagsisilbing lakas ng kanilang pamilya.
Sa loob ng ilang taon, patuloy na nilalabanan ni Kris ang kanyang mga karamdaman, kaya bihira na siyang makita sa publiko. Sa kabila nito, nananatili siyang matatag at nagpapasalamat sa patuloy na suporta at dasal ng marami.
