Nagbigay ng senyales ng posibleng showbiz comeback si Kris Aquino matapos ang unti-unting paggaling mula sa kanyang karamdaman nitong holiday season.
Sa isang Instagram video, ibinahagi ng “Queen of All Media” ang update sa kanyang kalusugan habang nagbubukas ng mga regalong produkto. Ipinakita rin niya ang engagement ring ng kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Cory Aquino, na balak niyang ipamana balang araw sa bunsong anak na si Bimb.
Masigla at mas madaldal si Kris kumpara sa mga nakaraang buwan. Inihayag din niyang madidischarge na siya sa ospital matapos ang halos dalawang buwang confinement.
Bilang bahagi ng kanyang recovery, sinabi ni Kris na inirekomenda sa kanya ang light swimming, kaya naghahanap siya ng mga indoor pool malapit sa malalaking ospital sa Metro Manila. Aniya, prayoridad pa rin ang kalusugan, pero dahan-dahan na niyang binabalikan ang mga bagay na mahal niya.
Plano ni Kris na magsagawa ng weekly sit-down interviews, product features, at magbahagi ng simplified home cooking recipes. Mayroon na rin umano siyang maliit na production setup.
Tinapos niya ang post sa linyang, “Happy viewing,” hudyat ng kanyang pagbabalik—kahit paunti-unti—sa mundo ng showbiz.
