Nagwagi si Pencak Silat star Kram Airam Carpio ng unang gintong medalya para sa Pilipinas sa ikatlong Asian Youth Games noong Lunes ng gabi sa Exhibition World Bahrain Hall 1 sa Manama, Bahrain.
Tinalo ni Carpio si Qiken Dwi Tata Olifia ng Indonesia sa finals ng girls’ 51–55kg category sa iskor na 33-19, sa harap ng mga kapwa Pilipino na pinangunahan ni POC President Abraham Tolentino at chef de mission Tatz Suzara. Ayon sa POC, patunay ito na si Carpio ay isa sa mga magiging bituin ng pencak silat sa Asya, lalo’t tinalo niya ang kalabang mula sa bansang pinagmulan ng naturang isport.
Bago marating ang kampeonato, tinambakan ni Carpio sina Nazaninfatemeh Kolasangiani ng Iran (36-22) sa Round of 16, Sakshi Thakur ng India (83-17) sa quarterfinals, at Aliyam Azizova ng Kazakhstan (46-27) sa semifinals.
