Tinanggihan ng Pasig City Regional Trial Court Branch 159 ang mga petisyon para sa piyansa ni Pastor Apollo Quiboloy at limang iba pa kaugnay ng kasong qualified human trafficking na kinasasangkutan ng pang-aabuso at labor exploitation.
Ayon sa 23-pahinang desisyon na inilabas noong Hulyo 20, nakapagpakita ang prosekusyon ng matibay na ebidensya laban sa mga akusado, dahilan para ibasura ang kanilang hiling na piyansa.
Kasama sa desisyon ang mga kapwa-akusado na sina Sylvia Cemañes, Paulene Canada, Jackielyn Roy, Cresente Canada, at Ingrid Canada.
Nilinaw ng korte na ang pag-deny ng piyansa ay hindi nangangahulugang tapos na ang kaso, dahil patuloy pa rin ang paglilitis.
Si Quiboloy ay nahaharap sa non-bailable charges sa ilalim ng Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act). Bukod pa rito, may hiwalay na kaso laban sa kanya sa Quezon City court para sa paglabag sa Republic Act 7610, ang batas na nagpoprotekta sa mga bata laban sa pang-aabuso at diskriminasyon.