Ipinag-utos ng Regional Trial Court ng Mandaluyong sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang mga passport nina dating PCSO general manager Royina Garma at dating PNP commissioner Edilberto Leonardo, kaugnay ng pagpatay kay Wesley Barayuga noong 2020.
Kasama rin sa utos ng korte na kanselahin ang mga passport nina Santie Mendoza, Nelson Mariano, at Jeremy Causapin, na pawang nahaharap sa murder at frustrated murder charges.
Ayon sa desisyon noong Oktubre 15, may “seryosong panganib” na tatakas ang mga akusado upang takasan ang paglilitis. Kasabay ng kanselasyon ng passport, naglabas din ang korte ng hold departure order (HDO) laban sa kanila.
Sa limang akusado, tanging sina Mendoza at Mariano lamang ang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI), habang nananatiling fugitives ang iba. Parehong not guilty ang plea nina Mendoza at Mariano, at itinakda ng korte ang pre-trial conference sa Nobyembre 12.
Matatandaang sina Garma at Leonardo ay tinukoy bilang mga umano’y mastermind sa pagpatay kay Barayuga, dating PCSO board secretary, na binaril sa Mandaluyong noong 2020.
Noong Setyembre, sinabi ni dating Justice Secretary Crispin Remulla na na-deport mula Estados Unidos si Garma matapos tanggihan ang kanyang asylum request. Nabatid din umano na nakatakda siyang magpatotoo sa International Criminal Court (ICC) laban sa dating Pangulong Rodrigo Duterte.