Magiging mainit ang Paris courtroom ngayong linggo dahil personal na haharap si Kim Kardashian sa korte, halos isang dekada matapos siyang holdapin ng mga armadong lalaki sa kanyang hotel noong 2016 — habang ginaganap ang Paris Fashion Week.
Tinatayang ₱560 milyon (o $10 milyon) halaga ng alahas ang tinangay sa insidente, kabilang ang engagement ring na bigay noon ng dating asawang si Kanye West.
Mag-testify si Kim
Sa edad na 44, handa na raw si Kim na harapin sa korte ang mga akusado, ayon sa kanyang mga abogado. Inaasahang magbibigay siya ng salaysay ngayong Martes, alas-2 ng hapon (oras sa Paris).
Ang nasabing kaso ay naging usap-usapan sa buong mundo, kaya hindi na nakapagtataka na nasa halos 500 media personnel ang dumagsa sa korte. May mga fans din na nag-abang para kahit silipin lang si Kim. “Suporta kami kay Kim! Dapat lang makamit ang hustisya,” ayon sa isang fan na si Clement.
Ang ‘Heist of the Century’
Noong gabi ng Oktubre 2-3, 2016, pinasok ng mga naka-maskarang lalaki ang pribadong hotel kung saan nanunuluyan si Kim. Tinakot siya gamit ang baril, tinali, at tinakpan ang bibig. Wala siyang nagawa habang ninanakawan siya ng milyong halaga ng alahas.
Ayon sa mga imbestigador, ang mga akusado — karamihan ay nasa edad 60s hanggang 70s — ay may mga alias na parang galing sa pelikula: “Old Omar,” “Blue Eyes,” at iba pa. Sila ay may mga dating kaso na, at kahit bihasa, may sablay rin. DNA na naiwan sa crime scene ang naging susi para matukoy sila.
Isa sa mga akusado, si Yunice Abbas (71), ay nagsulat pa ng libro tungkol sa nakawan, habang si “Old Omar” naman (68) ang umamin na siya ang nagtali kay Kim, ngunit itinatanggi raw niyang siya ang utak.
Mga Sablay at Sabwatan
Ayon sa pulisya, posibleng tip mula sa kapatid ng driver ni Kim ang nagbunyag ng kanyang presensya sa Paris. Pero tinatawanan ito ng abogado dahil milyon-milyon na ang followers ni Kim — alam ng buong mundo nasaan siya.
Sa testimony ng bodyguard, naikwento nitong iyak nang iyak si Kim pagkatapos ng insidente. Dapat sana’y sasama siya sa kapatid na si Kourtney sa club, pero nagbago siya ng isip — na nagdala ng ibang kapalaran.
Bigatin si Kim sa Courtroom at Online
Hindi lang sa courtroom agaw-eksena si Kim — kabilang din siya sa mga pinakamaimpluwensyang babae sa buong mundo ayon sa Time at Fortune. Isa rin siya sa may pinakamaraming followers sa Instagram at X.
Ang Hatol, Malapit Na
Ang paglilitis ay inaasahang matatapos sa Mayo 23. Sa ngayon, buong mundo ang nakatutok sa susunod na kabanata ng real-life courtroom drama ng isa sa pinakamalaking celebrity robbery sa kasaysayan ng France.