Nagsimula na ang laban ng pambato ng Pilipinas na si Keylyn Trajano sa kauna-unahang Miss Grand International All Stars na kasalukuyang ginaganap sa Bangkok, Thailand. Bilang isa sa apat na Filipinang representatibo ng bansa, sumasailalim ngayon si Keylyn sa sunod-sunod na aktibidad, rehearsals, at mga paunang kompetisyon gaya ng runway, swimsuit, at interview round bago ang gabi ng koronasyon sa darating na Mayo 30.
Sa kabila ng matinding kompetisyon laban sa 58 na kalahok mula sa 38 na bansa na pawang may mga karanasan na rin sa mga pandaigdigang patimpalak, positibo at walang takot ang diskarte ng Pinay beauty queen. Ayon kay Keylyn, ang sikreto niya para manatiling nakapokus sa korona ay ang pag-alis ng pressure sa kanyang sarili sa pamamagitan ng tamang pahinga, pagtulog, at meditasyon upang mapanatili ang kanyang lakas.
