Nagmistulang red carpet ang “happiest place on earth” matapos dagsain ng mga K-drama superstar ang Hong Kong Disneyland para sa 2025 Disney+ Originals Preview noong Nobyembre 13. Mahigit 400 influencers, content creators, at journalists ang inimbita para masilip ang pinakamalawak at pinakamalakas na lineup ng Disney+ para sa Asia Pacific.
Sa gitna ng fairytale scenery ng Disneyland, inilahad ng Disney+ ang paparating na mga Korean, Japanese, at global titles na ilalabas ngayong taon, 2026 at sa mga susunod pa. Pinakamarami ang hiyawan at excitement mula sa Korean titles, patunay na tuloy-tuloy ang paglawak ng Hallyu wave hanggang Latin America at iba pang rehiyon.
Ayon kay Luke Kang, president ng The Walt Disney Company Asia Pacific, layunin nilang maghatid ng “unforgettable entertainment” sa paraang tanging Disney lang ang kayang gawin.
Isa sa pinakainaabangang palabas ay ang “Made in Korea”, na pinagbibidahan ni Hyun Bin — na kamakailan lang ay bumisita rin sa Manila — kasama sina Jung Woo-sung at Woo Do-hwan. Nang tanungin kung bakit dapat panoorin ang series, pabirong sagot ng cast: “Because it’s made in Korea.”
Umagaw din ng atensyon si Jung Woo-sung dahil ito ang una niyang malaking public appearance mula nang i-reveal niyang isa na siyang ama.
Ang “Made in Korea,” na nakatakdang i-premiere sa Dec. 24 (weekly episodes hanggang Jan. 14), ay nakaset noong 1970s. Sinusundan nito si Baek Ki-tae (Hyun Bin), isang KCIA agent na may lihim na buhay bilang smuggler. Makakatapat niya ang isang relentless prosecutor (Jung Woo-sung), na maglalatag ng intense na cat-and-mouse narrative. Nagsimula na rin ang production ng Season 2 kahit hindi pa naipalalabas ang Season 1.
