Punong-puno ng emosyon at summer feels ang “KAION” solo concert ni Kai ng EXO noong Hulyo 27 sa Smart Araneta Coliseum. Agad siyang pinasigaw ng fans sa kanyang hot opening number na “Sinner,” suot ang pulang kumikislap na outfit, sinundan ng kanyang debut solo hit na “Mmmh.”
“Hello po! Masaya ako!” bungad ni Kai sa mga Pinoy EXO-Ls matapos ang performance ng “Nothing On Me.” Ibinahagi niyang espesyal ang concert dahil ito ang kauna-unahan niyang solo show, at dito pa sa Pilipinas!
Hindi naman nagpahuli ang mga fans—sold out ang show at hitik sa fan projects, kabilang ang “Field of Peaches” na nagpa-ilaw ng mga artipisyal na bulaklak habang inaawit niya ang EXO hits gaya ng “My Lady” at “Angel.”
“Manila’s energy is just really hot!” biro ni Kai, basang-basa sa pawis habang sumasayaw sa Peaches, Vanilla, at Adult Swim. Sa sobrang init, tinanggal pa niya ang suit sa “Wait On Me” at “Bomba” segment!
Sa encore, bumulaga siya sa fans na naka-unbuttoned black jacket habang kinanta ang “Rover” at “Reason.” Ayon kay Kai, “Hindi ko mararamdaman ang ganitong saya sa ordinaryong araw. Gusto kong suklian ang pagmamahal n’yo.”
Pinuri rin niya ang fans sa pagsunod sa kanyang dress code: black and silver with yellow bandana. Nabasa rin niya ang banner na nagsabing, “Kai is always worth the wait.”
Bago magpaalam, nagbitiw siya ng hugot na pangako: “Kahit EXO concert man o Kai concert ang mauna, basta promise me, magkikita ulit tayo!”