Sanay ang fans na mapanood si Julie Anne San Jose na kumakanta, sumasayaw, o nagho-host sa TV, pero ngayon, pinapakita niya ulit ang kanyang acting chops sa bagong murder-mystery series na “SLAY”, isang collaboration ng GMA at Viu na mapapanood Lunes hanggang Huwebes, 9:25 p.m.
Ginagampanan niya ang karakter ni Liv Baltazar, isang matapang at independent na babae na may matinding koneksyon sa fitness influencer na si Coach Z (Derrick Monasterio)—na mysteriously namatay! Dahil dito, isa siya sa mga iniimbestigahan. Pero si Liv nga ba ang pumatay, o may mas malalim pang sikreto? 🤯
“Siya yung pinaka-aware sa lahat ng nangyayari, pero may mga itinatago rin siyang sekreto,” ani Julie Anne sa isang presscon. Malayo raw ang karakter niya kay Heart (Heartful Café) at Maria Clara (Maria Clara at Ibarra), pero mas na-challenge siya dito dahil puno ito ng twists.
Kasama niya sa serye sina Gabbi Garcia, Mikee Quintos, at Ysabel Ortega, na may kanya-kanya ring papel sa misteryosong kwento.
“Kailangan ninyong abangan kung sino talaga ang may sala—si Liv ba o iba sa kanila?” panunukso ni Julie Anne sa mga viewers.
Bukod sa pasabog na kwento, aminado ang actress na enjoy siya sa kanyang first-ever murder mystery role, lalo na’t hands-on siya sa pagbuo ng kanyang karakter kasama ang direktor na si Rod Marmol at creative consultant na si RJ Nuevas.