Isa sa mga pinaka-“surreal” na sandali sa buhay ni Judy Ann Santos ang nangyari nitong Lunes nang makilala niya ang kanyang idolo, ang world-renowned chef na si Gordon Ramsay, sa isang espesyal na cook-off sa Pasay City.
Kabilang si Judy Ann sa mga celebrity na sumabak sa isang Halo-Halo cook-off na si Gordon Ramsay mismo ang hurado. Sa kanyang Instagram post, hindi napigilan ni Judy Ann ang kilig at saya sa natupad na pangarap.
“Wow… paano ko ba pwedeng maikwento ang araw ko today? Nakakaloka, nakakabaliw, napaka-surreal! Ilang beses kong kinurot ang sarili ko… totoo ba ‘to? Pinaprank ba ko? Pero totoo e!!! Gusto kong tumambling sabay split!” ani Judy Ann.
Sa laban, naghanda siya ng Halo-Halo na may Black Sesame Polvoron bilang twist.
“Simpleng Halo-Halo lang naman, na kailangan naming tapusin sa loob ng 10 minuto, pero grabe, parang pinakamabilis at pinaka-nerve-wracking na 10 minutes ng buhay ko! Pero, it was the best!” dagdag niya.
Pinapasalamatan din niya ang kanyang pamilya, glam team, at mga organizers ng event sa kanilang suporta. “Thank God my husband and our youngest was there to calm my nerves at palakasin ang loob ko. Pinaghandaan ko talaga ‘to ng todo!”
Sa huli, hindi rin nakalimutan ni Judy Ann ang mga kapwa niyang Pinoy chef na dumalo sa event. “Cheers to all of us! Mabuhay, at ilalaban ko ang pagkaing Pilipino!”
Para kay Judy Ann, ito ay hindi lamang tungkol sa pagkain kundi isang pagkakataon upang ipakita ang talento ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.