Ginulat ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang lahat nang makamit ang isang makasaysayang tagumpay sa midterm elections ng 2024, nang manguna siya sa mayoralty race at tumanggap ng higit sa isang milyong boto. Nakakuha siya ng 1,030,730 boto, na katumbas ng 95.56 porsyento ng kabuuang boto sa lungsod, batay sa opisyal na resulta ng Commission on Elections (COMELEC).
Ang kanyang mga kalaban ay nakakuha ng pinagsamang 47,843 na boto. Sa higit 1.45 milyong rehistradong botante, ang Quezon City ang may pinakamataas na bilang ng mga botante sa bansa. Sa kabuuan, 1.15 milyon ang dumalo sa halalan, kaya’t nakapagtala ng 79.11 porsyentong voter turnout.
Kasama sa mga iprinoklama bilang nanalo si Vice Mayor Gian Sotto, na nakakuha ng 938,686 boto, malayo sa kanyang tatlong kalaban na nagkamit ng kabuuang 65,487 boto. Nangako si Belmonte at Sotto na magpapatuloy sila sa pagpapabuti ng mga serbisyo para sa mga mamamayan ng Quezon City.
“Patunayan ko sa inyo na posible ang magandang pamamahala sa Quezon City. Kapag tapat ang mga lingkod-bayan, kayo ang makikinabang,” pahayag ni Belmonte sa kanyang mga tagasuporta.
Ang mga kandidato mula sa kanilang slate na Serbisyo sa Bayan ay pawang nagwagi, kabilang sina Arjo Atayde (District 1), Ralph Tulfo (District 2), Franz Pumaren (District 3), PM Vargas (District 5), at Marivic Co-Pilar (District 6).
Samantalang sa District 4, tinalo ni Bong Suntay si Rep. Marvin Rillo sa isang matinding laban na may lamang na higit 200 boto.