Excited na ang TNT Tropang 5G na maisalang si Jordan Heading matapos siyang mapasama sa team kapalit ni Mikey Williams, pero kailangang hintayin muna ang go signal ng katawan niya.
Si Heading, dating sharpshooter ng Converge, ay hindi pa makalaro dahil sa back spasms na iniinda niya mula pa sa Commissioner’s Cup quarterfinals. Ayon kay TNT team manager Jojo Lastimosa, makikita na nila si Heading sa practice sa Miyerkules para malaman kung handa na ba siyang bumalik sa ensayo at laro.
“Depende sa pakiramdam niya kung kailan siya ready. Siya ang magsasabi,” ani Lastimosa.
Walang eksaktong petsa ng pagbabalik si Heading pero tiniyak niyang doble-kayod siya sa rehab para makabalik agad sa court.
Kinailangan ng TNT si Heading lalo na’t injured si Jayson Castro (tuhod) at hindi pa 100% si Rey Nambatac (groin). Asam ng Tropang 5G ang PBA grand slam, at inaasahang malaking tulong si Heading sa backcourt kapag bumalik na siya sa porma.
