Matapos ang halos tatlong dekada, inamin na ng iconic ‘90s love team na sina Jolina Magdangal at Marvin Agustin ang tunay na estado ng kanilang relasyon noon—“MU” lang sila!
Sa media conference ng kanilang comeback movie na Ex Ex Lovers, tinanong ang dalawa kung naging magkarelasyon ba sila noon.
“Noong panahon namin, uso ang MU—mutual understanding. Kaya siguro ang lakas ng magic at chemistry namin noon. Pwede mong sabihin na MU kami,” sagot ni Marvin.
Pero ayon sa kanya, hindi sila naging opisyal, at iyon ang dahilan kung bakit madali para sa kanila ang gumawa ng comeback film.
“Kaya kami nandito pa rin at may pelikula ngayon, kasi hindi kami nag-break. Unlike ibang love teams na naging couple, nag-break, kaya hindi na makatrabaho ulit. Kami, professional ang relationship, kaya walang awkwardness.”
Sang-ayon dito si Jolina, na inaming naging vocal siya noon sa feelings niya para kay Marvin, pero hindi sila umabot sa pagiging magkasintahan.
“Hindi mo kami matatawag na ex-lovers, kasi hindi kami naging couple. Pero inamin ko naman noon na may feelings ako. Ngayon, kilala siya ng mga anak ko bilang best friend ko noon,” ani Jolina.
Kahit nagkaroon sila ng kanya-kanyang buhay, nanatili silang magkaibigan.
“Nagkahiwalay man ng landas, nagkaka-text pa rin paminsan-minsan,” kwento ni Jolina. “Hindi namin ito pinlano, pero ang connection namin, buhay pa rin.”
“Ex Ex Lovers” ay ipalalabas sa Pebrero 12, sa ilalim ng Project 8 Projects at Cornerstone Entertainment, at ididistribute ng Warner Bros. Pictures.