Ibinahagi ni Kapamilya actress Jodi Sta. Maria ang kagustuhan niyang makatrabaho ang mga Kapuso stars sa hinaharap.
Sa isang media conference para sa kanyang bagong show na “Lavender Fields,” tinanong si Jodi kung sino ang nais niyang makatrabaho sa mga susunod niyang proyekto.
“Siguro, kung may mga gusto pa ako, ang dami, eh. Kaya lang wala sila sa ABS-CBN. Kung sino ‘yung mga wala sa ABS-CBN, gusto kong makatrabaho,” sagot ni Jodi.
Dagdag pa niya, “Ang daming magagaling na artista ngayon. Ang daming revelation. Ang daming underrated. Ang daming mga theatre actor na magagaling.”
Aminado rin si Jodi na nahirapan siya sa kanyang papel sa “Lavender Fields.”
“First time ko gumawa ng ganitong genre. Noong tinanggap ko ang role, nagkaroon ako ng doubt sa sarili ko kung kaya ko ba. Sabi ko na lang sa production, na every time magkakaroon ng action scene, mag-rehearse muna kami one day before. Kasi parang hindi ako confident na mag-rehearse lang ng same day,” pagbabahagi ni Jodi.
Ikinuwento rin niya ang hindi malilimutang eksena nila ni Janine Gutierrez sa palabas.
“Memorable sa akin ang mga scene ko with Janine, kasi lagi kaming nag-aaway. Kapag nagkikita kami, nagsasalpukan, nagtatalakan. Memorable kasi kapag nagkikita kami, hindi kami nagsasabunutan, kundi nagbubugbugan kami,” natatawang dagdag ni Jodi.