Sa layuning muling maibandera ang Pilipinas sa Southeast Asian (SEA) Games, tinalikuran muna ni Jia De Guzman ang kanyang pagbabalik sa Creamline sa Premier Volleyball League (PVL) upang ituon ang buong atensyon sa national team.
Opisyal na itinalaga si De Guzman bilang team captain ng Alas Pilipinas, ayon sa inilabas na lineup ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF). Kabuuang 19 manlalaro ang napasama sa final pool na sasanay para sa paparating na SEA Games sa Thailand ngayong Disyembre.
Kasama sa powerhouse roster sina Alyssa Solomon, Bella Belen, Angel Canino, Eya Laure, Shaina Nitura, Thea Gagate, Fifi Sharma, Justine Jazareno, Vannie Gandler, Kat Tolentino, Julia Coronel, Dawn Catindig, Mars Alba, Jen Nierva, Alleiah Malaluan, Dell Palomata, Amie Povido, at Maddie Madayag.
Ayon sa PNVF, pansamantalang iiwan ng mga manlalaro ang kanilang mga koponan sa PVL at collegiate leagues upang lumahok sa training camp mula Nobyembre 15 hanggang 30 sa Japan o Chinese Taipei, bilang paghahanda sa torneo.
Samantala, sa PVL Reinforced Conference, ZUS Coffee Thunderbelles ay nagpatuloy sa kanilang matikas na panalo matapos talunin ang Petro Gazz Angels sa straight sets, 25-22, 25-21, 25-20, sa FilOil EcoOil Centre.
Sa unang laro, Akari Chargers naman ang bumawi mula sa masakit na limang-set loss nang talunin ang Galeries Tower, 25-11, 25-23, 25-23.
