Magbabalik-entablado sa Pilipinas ang Filipino-American singer na si Jessica Sanchez para sa kanyang unang solo concert sa bansa matapos ang pitong taon. Magsisimula sa Maynila ang kanyang headline concert tour, na gaganapin sa Mayo 16 (Sabado) sa Araneta Coliseum sa Quezon City.
Bagama’t lumahok siya sa isang yearend concert sa Pasay noong nakaraang taon, huling nagkaroon ng solo show si Jessica sa Pilipinas noong Nobyembre 2019. Ang concert ay pangungunahan ng Wilbros Live, at magsisimula ang bentahan ng tickets sa Pebrero 15, alas-12 ng tanghali sa TicketNet website at outlets.
Sumikat si Jessica bilang batang contestant sa unang season ng America’s Got Talent. Kalaunan, naging runner-up siya sa American Idol Season 11 na nagbukas ng kanyang recording career. Kamakailan, muli siyang bumida sa America’s Got Talent Season 20—at nagwagi pa—ilang linggo lamang matapos isilang ang kanyang unang anak kasama ang asawang si Rickie Gallardo.
Isang espesyal na homecoming concert ang inaasahan ng mga Pinoy fans mula sa tinaguriang “golden voice” ni Jessica Sanchez.
