Masaklap na balita para sa Boston Celtics at fans ng NBA: kumpirmadong na-rupture ang kanang Achilles tendon ni Jayson Tatum sa laban kontra New York Knicks. Kinailangan siyang buhatin palabas ng court at ngayon ay sasailalim sa mahabang recovery.
Kinumpirma ng Celtics na matagumpay ang isinagawang operasyon ni Tatum. Wala pa raw eksaktong petsa kung kailan siya makakabalik sa laro, pero inaasahan ang full recovery.
Nangyari ang injury sa fourth quarter ng Game 4 kung saan natalo ang Celtics, 121-113, dahilan para mapunta sila sa bingit ng elimination (3-1). Bago ma-injure, bumomba si Tatum ng 42 points sa isang classic showdown.
Ang eksenang pagkahulog ni Tatum sa court ng Madison Square Garden habang hawak ang binti ay nagdulot ng agarang suporta mula sa kapwa players at fans. Si Knicks player Josh Hart ay nagsabing, “The NBA is a brotherhood, praying for him.” Nagpaabot din ng dasal sina LeBron James, Patrick Mahomes, Julian Edelman, at maging si actor Ben Stiller.
Bukod sa epekto ngayong playoffs, may pangamba rin sa long-term future ng Celtics. Ang Achilles injury ay kilala sa matagal na recovery — tulad nina Kevin Durant (18 buwan out) at Klay Thompson (mahigit 1 taon bago nakabalik).
Masaklap mang tanggapin, maaaring mawala si Tatum sa court nang matagal. Sa ngayon, todo dasal ang fans na makabalik ang All-Star sa dati niyang porma — pero para sa Celtics, tila kailangan nilang maglaro ng milagro para magpatuloy sa playoffs.