Inihayag ng Japan nitong Martes na dalawang Chinese aircraft carriers ang sabay na namataan sa Pacific Ocean — isang unang pagkakataon na nagpapakita ng pagpapalakas ng militar ng China sa malalayong lugar.
Ayon sa Ministry of Defense ng Japan, ang Chinese carrier na Shandong kasama ang apat pang barko, kabilang ang isang missile destroyer, ay lumusot sa economic waters ng Japan malapit sa Okinotori at may mga fighter jets at helicopter na nagsagawa ng take-off at landing sa lugar. Nakita rin ang fleet na ito noong Sabado, mga 550 kilometro timog-silangan ng Miyako Island malapit sa Taiwan.
Bukod dito, ang isa pang Chinese carrier, ang Liaoning, ay pumasok din sa Japan’s exclusive economic zone (EEZ) sa Pacific nitong nakaraang weekend bago lumabas upang magsagawa ng mga drills kasama ang mga fighter jets.
Isang tagapagsalita ng Ministry of Defense ng Japan ang nagsabing layunin ng China na paigtingin ang kakayahan nilang mag-operate sa malalayong bahagi ng dagat.
Nag-aalala ang Estados Unidos at mga kaalyado nito sa Asia-Pacific sa pag-gamit ng China ng mga naval at air assets upang palawakin ang teritoryo nito. Layunin umano ng China na mapalayas ang mga puwersa ng Amerika mula sa tinatawag na “first island chain” mula Japan hanggang Pilipinas, at tuluyang kontrolin ang mga lugar kanluran ng “second island chain” sa Pacific, na nasa pagitan ng Ogasawara Islands ng Japan at teritoryo ng Amerika sa Guam.
Noong Setyembre, unang beses na pumasok ang Liaoning sa second island chain, na tinawag ng Japan na “unacceptable” at nagpahayag ng “serious concerns” sa Beijing.
Sa ilalim ng international law, may karapatan ang isang bansa na pamahalaan ang likas na yaman at mga aktibidad pang-ekonomiya sa loob ng EEZ, na umaabot hanggang 200 nautical miles mula sa kanilang baybayin.
Ang paglabas-masok ng mga Chinese carrier sa ganitong mga lugar ay isang malinaw na senyales ng lumalawak na presensya militar ng China sa rehiyon, na nagdudulot ng tensyon sa mga karatig bansa at sa pandaigdigang komunidad.