PULSE PH

Jack Argota umaming peke ang ipinost na medical certificate ni Marcos

Isang pag-amin ang ginawa ng internet personality na si Jack Argota, na kilala bilang “Sir Jack Argota” sa Facebook, kaugnay ng kumalat na umano’y medical certificate ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Inamin niya na peke ang dokumentong kanyang ibinahagi online.

Humaharap si Argota sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos siyang ma-subpoena dahil sa naturang post noong Enero. Ayon sa kanya, natutunan niyang hindi dapat pairalin ang bugso ng damdamin at mas mabuting tiyaking may katotohanan ang isang impormasyon bago ito ibahagi.

Nang tanungin tungkol sa kanyang motibo, sinabi niyang ginawa niya ito upang makisabay sa uso at para sa “engagement” sa social media. Aniya, inakala niyang totoo ang dokumento dahil marami na rin ang nagpo-post nito kaya nakisabay na lamang siya. Sa kabila nito, sinabi rin niyang wala siyang pagsisisi sa kanyang ginawa.

Ang pekeng medical certificate ay kumalat matapos isapubliko na na-diagnose si Pangulong Marcos ng diverticulitis noong Enero 2026 dahil sa pananakit ng tiyan.

Samantala, naghain na rin ang NBI ng cyberlibel complaints laban kina Jay Sonza at Jeffrey Celiz kaugnay ng pagkalat ng maling medical records ng Pangulo.

Exit mobile version