Nagpahayag ng pagkadismaya si Iza Calzado sa patuloy na isyu ng korapsyon sa bansa, lalo na matapos ang pagbaha at pagsabog ng balita tungkol sa mga maanomalyang flood control projects.
Sa kanyang Instagram post, ikinuwento ng aktres na pagdating niya sa England, sinalubong siya ng balitang baha sa Pilipinas at sunod-sunod na ulat ng katiwalian.
“Nadurog ang puso ko. Nagalit. Natawa sa ilang memes at posts. Tapos nagalit ulit sa dagdag na balita,” ani Iza.
Aminado siyang mahirap ipahayag ang saloobin dahil malayo siya, at tila wala siyang magawa kundi umasa sa balita, kaibigan, at social media updates.
Ngunit iginiit niya na dapat sama-sama ang mga Pilipino sa laban kontra korapsyon, at hindi dapat umasa lang sa isang tao, grupo, o politiko.
“TAYO mismo ang dapat magdala ng pagbabago. Sana managot ang dapat managot,” dagdag niya.
Tinapos ng aktres ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng panalangin para sa bansa: “Nawa’y maghilom ang sugat ng bayan at hindi na manaig ang dilim sa ating sarili at sa ating bansa.”