Ipinahayag ng Israel nitong Sabado na nag-airdrop sila ng pitong humanitarian aid packages papuntang Gaza Strip at magbubukas ng mga humanitarian corridors para sa tulong, kasabay ng lumalalang krisis sa gutom sa rehiyon. Matatandaang nagpatupad ng total blockade si Israel sa Gaza mula Marso 2 matapos mabigo ang ceasefire talks.
Bagamat may kaunting aid na pinayagang pumasok simula Mayo, nananatili pa rin ang matinding kakulangan sa pagkain at gamot sa Gaza. Nitong Sabado, sinabi ng Palestinian civil defense na mahigit 50 katao ang nasawi sa mga Israeli strikes, kabilang ang ilang mga tao na naghihintay sa mga aid distribution centers.
Kasabay nito, sinakyan ng Israeli troops ang isang bangka mula sa Freedom Flotilla Coalition na naglalayong maghatid ng tulong sa Gaza, ngunit pinigilan ito ng militar.
Ipinangako naman ni British Prime Minister Keir Starmer na susuportahan nila ang air drops sa pakikipagtulungan kay Jordan. Ganun din ang sinabi ng United Arab Emirates na agad magpapatuloy ng mga air drops dahil sa “kritikal na sitwasyon” ng Gaza.
Ngunit maraming humanitarian groups ang nagsabing hindi sapat ang air drops upang malunasan ang lumalalang gutom at mas gusto nila ang mas malawak na overland aid convoys. Ayon kay Philippe Lazzarini ng UNRWA, ang mga air drops ay “mahal, hindi epektibo, at delikado para sa mga gutom na sibilyan.”
Iginiit naman ng Israel na hindi nila nililimitahan ang mga truck na pumapasok sa Gaza, ngunit inakusahan ng mga humanitarian groups ang militar ng mahigpit na kontrol sa pagpasok at paggalaw ng tulong sa loob ng teritoryo.
Sa kabila ng lahat, patuloy ang humanitarian crisis sa Gaza na labis na naapektuhan ng digmaan mula Oktubre 2023, na nagresulta sa libu-libong nasawi, karamihan ay mga sibilyan.