Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno na ligtas gamitin ang apat na tulay sa Maynila sa gaganaping Traslacion ng Itim na Nazareno ngayong Biyernes.
Ayon kay Moreno, base sa 2025 public works assessment, ang Quezon Bridge, Carlos Palanca Bridge, Ayala Bridge, at Arlegui Bridge 1 ay nasa “fair condition.” Maayos at matibay umano ang mga railings at barricades, at walang nakitang sagabal sa mga daanan ng sasakyan at pedestrian na maaaring magdulot ng panganib.
Bagama’t kasalukuyang isinasailalim sa rehabilitasyon ang Quezon Bridge, nilinaw ng alkalde na may pansamantalang suporta ang istruktura upang matiyak ang kaligtasan ng publiko. Malapit ito sa Quiapo Church at madalas daanan at tambayan ng mga deboto kahit hindi opisyal na bahagi ng ruta.
Para sa kalusugan, magde-deploy ang Department of Health (DOH) ng 20 health emergency response teams sa ruta ng prusisyon. Pinayuhan ang mga deboto na agad humingi ng tulong sakaling makaranas ng matinding uhaw, hilo, hirap sa paghinga, pagsusuka, heat exhaustion, o pananakit ng dibdib.
Samantala, hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang PNP at DILG na tiyakin ang mapayapa at ligtas na Traslacion. Aabot sa 18,200 pulis ang ide-deploy sa Maynila, habang ipatutupad din ang no-fly zones at cell phone signal jammers sa ilang bahagi ng ruta. Inaasahang hihigit pa sa walong milyong deboto ang dadalo ngayong taon.
Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na sumunod sa mga patakaran at makipagtulungan upang mapanatiling ligtas at maayos ang isa sa pinakamalalaking relihiyosong pagtitipon sa bansa.
