PULSE PH

Isang Taon Pagkaraan ng Plane Crash sa South Korea, Mga Pamilya Patuloy ang Panawagan ng Katarungan

Rescue workers take part in a salvage operation at the site where an aircraft crashed after it went off the runway at Muan International Airport, in Muan, South Korea, December 29, 2024. REUTERS/Kim Hong-Ji

Isang taon matapos ang pinakamalalang plane crash sa kasaysayan ng South Korea, nananatiling naghahanap ng malinaw na sagot ang mga pamilya ng 179 na nasawi sa Jeju Air Flight 2216.

Bumagsak ang eroplano noong Disyembre 29, 2024 habang papalapag sa Muan International Airport matapos tamaan ng mga ibon, na nauwi sa emergency belly landing at pagbangga sa isang kongkretong istruktura sa dulo ng runway. Dalawang flight attendant lamang ang nakaligtas.

Bagama’t itinuturo ng opisyal na ulat ang pilot error, mariing kinukuwestiyon ito ng mga kaanak ng biktima. Pangunahing tanong nila: bakit may konkretong harang sa dulo ng runway, kahit malinaw sa international aviation rules na dapat ay gawa ito sa nababasag o frangible na materyal para maiwasan ang mas matinding pinsala.

Hanggang ngayon, linggo-linggo pa ring bumabalik ang ilang pamilya sa saradong paliparan, nagtatayo ng mga tolda, nagsasabit ng asul na laso, at naglalagay ng mga liham at panawagan para sa hustisya. Lalong uminit ang galit nila matapos ilabas ang interim report noong Hulyo na hindi tinalakay ang isyu ng konkretong istruktura.

Matapos ang trahedya, natuklasan din ng pamahalaan na anim pang paliparan sa bansa ang may katulad na delikadong disenyo. Karamihan ay inaayos na, ngunit para sa mga pamilya, huli na ang lahat.

“Hindi lang ito tungkol sa sisihan,” ayon sa isa sa mga kaanak. “Ito ay tungkol sa mga sistemang pumalya at sa katotohanang hanggang ngayon, hindi pa rin namin nakukuha ang buong sagot.”

Exit mobile version