Tragedya ang sumira sa kilos-protesta laban sa korapsyon sa Mendiola, Maynila matapos masawi ang isang lalaki dahil sa saksak noong Linggo. Ayon sa Department of Health (DOH), idineklarang dead on arrival ang biktima sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center.
Kasama ang nasawi sa 48 katao na dinala sa ospital matapos maging marahas ang kilos-protesta nang ilang naka-maskarang demonstrador ang naging agresibo. Kabilang dito ang dalawang pulis na nagtamo lamang ng gasgas at pasa bago agad na pinalabas.
Iba pang sugatan ay nagtamo ng iba’t ibang pinsala gaya ng tama ng bala, sugat sa paa, trauma sa mata at ulo, at pinsala sa ugat ng braso. Apat ang agad nakalabas matapos magamot, dalawa ang kinailangang ma-admit, habang 39 na raliyista ang sumasailalim pa sa medikal na pagsusuri bago dalhin sa kustodiya.
Nilinaw ng DOH na walang agarang banta sa buhay ng mga nasugatan at sakop sila ng zero-balance billing program, kaya’t hindi na sila magbabayad ng gastusin sa ospital.
Ang insidente ay nagdulot ng takot at pangamba sa mga kapwa raliyista at nagpanibago ng panawagan na panatilihing mapayapa ang mga kilos-protesta laban sa katiwalian.
