Pinaigting ng Iran ang mga missile at drone attack laban sa ilang bansa sa Gulf habang pumapasok sa ikalawang linggo ang lumalalang tensyon sa rehiyon.
Iniulat ng Saudi Arabia, Qatar, at Kuwait ang panibagong mga pag-atake. Ayon sa Qatar, sampung ballistic missiles at dalawang cruise missiles ang pinakawalan laban sa kanilang teritoryo ngunit karamihan ay na-intercept at walang naiulat na nasawi.
Sa Saudi Arabia, sinabi ng defense ministry na napabagsak nila ang 15 drone na pumasok sa kanilang airspace, kabilang ang ilan malapit sa kabiserang Riyadh. Samantala, kinumpirma ng Kuwait na may mga drone ring pumasok sa kanilang himpapawid at tinarget pa ang fuel tanks sa Kuwait International Airport, na nagdulot ng pinsala sa ilang pasilidad.
Naapektuhan din ang Dubai International Airport matapos ma-intercept ang isang hindi matukoy na bagay malapit dito, dahilan upang pansamantalang isara ang paliparan bago muling bahagyang magbukas.
Sa kabuuan ng labanan, sinabi ng United Arab Emirates na mahigit 221 ballistic missiles at higit 1,300 drone na ang natukoy mula nang magsimula ang tensyon noong Pebrero 28. Kabilang sa mga tinamaan ng mga pag-atake ang Abu Dhabi International Airport at ang kilalang Burj Al Arab.
Sa kabila ng naunang paghingi ng paumanhin ng pangulo ng Iran sa mga bansa sa Gulf, sinabi ng kanilang mga opisyal na magpapatuloy ang mga pag-atake laban sa mga lugar na ginagamit umano ng kanilang mga kaaway. Samantala, nagbawas ng produksyon ng langis ang Kuwait bilang pag-iingat sa gitna ng banta sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng oil shipments sa rehiyon.
