Posibleng maging mainit ang Pebrero sa Kamara matapos lumutang ang balitang maaaring ihain ang impeachment complaints laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon kay Rep. Edgar Erice, may ilang mambabatas na umano’y naghahanda ng reklamo laban sa Pangulo dahil sa “betrayal of public trust,” kaugnay ng alegasyon ng kontrobersyal na budget insertions mula 2023 hanggang 2025. Sinabi niyang pinupuna ang umano’y pananahimik ng Pangulo sa isyung kinasangkutan ng ilang miyembro ng kanyang gabinete at mga kaalyado sa Kongreso.
Kasabay nito, inaasahan ding muling ihain ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte matapos magwakas sa Pebrero 6 ang one-year ban sa paghahain ng reklamo, bunsod ng desisyon ng Korte Suprema na nagbasura sa naunang kaso.
Gayunman, iginiit ng ilang mambabatas na hindi dapat ibatay sa tsismis o pulitika ang impeachment. Ayon sa kanila, kinakailangan ng matibay na ebidensya at malinaw na paglabag sa Konstitusyon.
Samantala, itinanggi ng Malacañang ang mga ulat at tinawag itong political maneuvering, sabay giit na mas pinipili ng Pangulo na magpokus sa trabaho at kapakanan ng mamamayan.
Kung maisusumite, ang anumang impeachment complaint ay daraan muna sa House committee on justice para suriin kung ito ay sapat sa porma at nilalaman.
