Naaprubahan ng Kamara ng mga Kinatawan ang panukalang batas para sa access sa medicinal cannabis sa ikatlong pagbasa! Sa sesyon noong Martes, 177 na mambabatas ang pumabor sa House Bill No. 10439 o ang iminungkahing Access to Medical Cannabis Act, habang siyam ang tumutol at siyam ang nag-abstain.
Kapag naipatupad, magtatayo ng Medical Cannabis Office (MCO) na magiging pangunahing ahensya para sa regulasyon ng medical cannabis, na may tungkulin sa administrasyon, regulasyon, at monitoring. Ang MCO ay magiging bahagi ng Department of Health.
Responsibilidad ng MCO na tiyakin na ang medical marijuana ay hindi maabuso at gagamitin lamang para sa mga layuning pangkalusugan.
“Sisiguraduhin ng MCO na ang medical cannabis ay makakamtan lamang sa mga ospital, klinika, drugstore, at iba pang medikal na pasilidad na awtorisado at lisensyado ng MCO para sa mga kwalipikadong pasyente. Ang mga accredited physicians lamang ang maaaring magsulat ng reseta para sa medical cannabis na sapat para hindi lalampas sa isang taon,” sabi ng panukala.
Magtatayo rin ng monitoring system ang MCO na maglalaman ng impormasyon tulad ng pangalan, address ng pasyente at doktor, diagnosis, produkto at formulation ng medical cannabis, at petsa ng dispensa sa mahigpit na pagsunod sa RA 10173 o ang ‘Data Privacy Act of 2012.’
Noong Pebrero 7, naaprubahan ng House committee on dangerous drugs at committee on health ang isang substitute measure na produkto ng mga technical working group meetings at mga amendments sa hearing.
Naipasa ito sa ikalawang pagbasa noong Mayo 22 bago mag-adjourn ang ikalawang regular session ng 19th Congress.