Inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng kasong plunder at bribery laban kina Senador Joel Villanueva, Senador Jinggoy Estrada, at apat pang opisyal dahil sa umano’y ₱6.86-bilyong flood control kickback scheme sa Bulacan.
Ayon kay ICI Chairman Andres Reyes Jr., personal nilang isinumite sa Office of the Ombudsman ang 19-pahinang ulat na naglalahad ng sabwatan umano sa pagitan ng ilang mambabatas, DPWH engineers, at kontratista, na kumukuha ng 10–30% komisyon mula sa mga proyekto.
Kasama rin sa iniimbestigahan sina dating kongresista Zaldy Co, Mitch Cajayon-Uy, dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, at dating COA commissioner Mario Lipana.
Batay sa ulat, si Villanueva ay umano’y tumanggap ng ₱150 milyon at si Estrada naman ng ₱355 milyon na komisyon; habang si Co ay sinasabing kumita ng hanggang ₱35 bilyon mula sa iba’t ibang proyekto.
Itinanggi ng dalawang senador ang mga paratang, iginiit na ito ay “walang batayan at pawang tsismis.”
Nilinaw ng ICI na rekomendasyon pa lamang ito at magpapatuloy ang imbestigasyon laban sa korapsyon.
