Ang International Criminal Court (ICC) ay hindi nagkumpirma o itinanggi ang mga ulat na may arrest warrant na laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa ICC Office of the Prosecutor (ICC-OTP), hindi sila nagbibigay ng komento sa mga kasalukuyang imbestigasyon upang maprotektahan ang mga biktima, testigo, at integridad ng kanilang mga pagsisiyasat.
Ang ICC ay kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019, kabilang na ang madugong kampanya kontra droga at mga pagpatay na iniuugnay sa tinaguriang Davao Death Squad noong alkalde o bise alkalde pa si Duterte.
Kumalat kamakailan ang balitang may arrest warrant na laban kay Duterte matapos siyang magtungo sa Hong Kong para sa kampanya ng PDP-Laban senatorial candidates. Sa kanyang talumpati doon, sinabi ni Duterte na handa siyang harapin ang anumang warrant kung mayroon man.
Ayon kay Kristina Conti, abogado ng mga biktima ng drug war, tanging ICC lang ang makapagkumpirma kung may warrant na nga laban kay Duterte. Idinagdag niya na kung may warrant man, maaari itong iproseso sa pamamagitan ng Interpol.
Samantala, iginiit ni DOJ Spokesman Mico Clavano na hindi agad maipatutupad ang arrest warrant dahil hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas. Kung may utos man mula sa Interpol, dadaan pa ito sa National Central Bureau (NCB) na binubuo ng PNP, NBI, at Bureau of Immigration para sa pagsusuri.
Nanawagan naman si Rep. Joel Chua sa pamilya Duterte na huwag matakot dahil hindi ito nangangahulugang may hatol na agad. Idinagdag din niya na maaaring gamitin ng mga Duterte ang isyu sa ICC upang maantala ang impeachment trial ni VP Sara Duterte.
Samantala, tiniyak ng PNP na handa silang tumulong sa Interpol kung may pormal na kahilingan. Pinabulaanan din nila ang ulat na may 7,000 pulis na naka-deploy sa Davao International Airport para arestuhin si Duterte, na bahagi lamang umano ng simulation exercise para sa darating na halalan.