Pormal nang kinasuhan ng International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo Duterte ng tatlong bilang ng crimes against humanity dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa hindi bababa sa 76 pagpatay kaugnay ng kanyang war on drugs.
Batay sa charge sheet na may petsang Hulyo 4 at inilabas nitong Lunes, kinakaharap ng 80-anyos na dating lider ang mga sumusunod na paratang:
- 19 pagpatay mula 2013 hanggang 2016 nang siya’y alkalde ng Davao City.
- 14 pagpatay ng tinaguriang “high-value targets” noong 2016–2017 bilang presidente.
- 43 pagpatay sa mga “clearance operations” laban sa mga itinuturing na low-level drug users at pushers mula 2016 hanggang 2018.
Ayon sa ICC prosecutors, mas malawak pa ang bilang ng mga biktima, dahil libo-libong tao ang napatay sa buong bansa sa ilalim ng kampanya kontra droga.
Matatandaang inaresto si Duterte sa Maynila noong Marso 11 at agad dinala sa Netherlands kung saan siya nakakulong sa Scheveningen Prison. Sa kanyang unang pagdinig, lumabas siyang mahina, tila lutang, at halos hindi nakapagsalita.
Nakatakda sanang iprisinta ang mga paratang laban sa kanya ngayong linggo, ngunit ipinagpaliban ng korte ang pagdinig habang tinutukoy kung kaya pa niyang dumalo at humarap sa paglilitis. Iginiit ng kanyang abogado na si Nicholas Kaufman na may matinding cognitive impairment si Duterte at dapat ipagpaliban nang walang hanggan ang kaso.
Kung matutuloy, ito ang magiging pinakamabigat na paglilitis sa isang dating pinuno ng Pilipinas sa harap ng international court.
