Tinabla ng isang deputy prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin sa kaso ang dalawang ICC judges na may kinalaman sa pagdedesisyon sa isyu ng hurisdiksyon ng korte.
Sa isang 8-pahinang sagot na may petsang Mayo 22, hinimok ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang ang pamunuan ng ICC na ibinasura ang kahilingan ng kampo ni Duterte na i-disqualify sina Judge Maria del Socorro Flores Liera at Judge Reine Adelaide Sophie Alapini-Gansou.
Giit ng prosekusyon, walang basehan ang alegasyon ng kampo ni Duterte na may kinikilingan o bias ang dalawang hukom. Ayon kay Niang, ang mga naunang opinyon o desisyon ng mga hukom ay bahagi lamang ng normal nilang tungkulin — at hindi sapat na dahilan upang alisin sila sa kaso.
“Hindi makatwiran na ipagpalagay na ang isang hukom ay awtomatikong may kinikilingan dahil lang sa nauna na siyang nagdesisyon sa kaparehong legal na isyu,” ani Niang. Kung susundin daw ang ganitong argumento, magkakaroon ng “nonsensical” o walang saysay na sitwasyon kung saan hindi na maaaring umupo ang isang hukom sa parehong legal na isyu nang higit sa isang beses.
Matatandaang iginiit ng kampo ni Duterte na dapat maalis sa pagdinig ang dalawang hukom dahil sa nauna na umano silang nagbigay ng opinyon sa hurisdiksyon ng ICC sa kaso laban sa dating pangulo. Ngunit ayon kay Niang, pansamantala lamang ang mga naunang desisyon ng mga hukom at hindi ito sapat para sabihing hindi na sila magiging patas.
Dagdag pa niya, walang “reasonable observer” o patas na tagamasid ang makakakumbinsi na may kinikilingan ang mga hukom base lang sa kanilang nakaraang mga ruling.
Sa kabuuan, nanindigan ang deputy prosecutor na walang batayan ang hiling ng depensa, at nararapat lamang na ituloy ng dalawang hukom ang kanilang trabaho — patas, legal, at naaayon sa tungkulin nila bilang tagapaghatol.