Muling ibinasura ng International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber I ang hiling ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na iapela ang desisyon kaugnay ng pagbubunyag ng mga komunikasyon tungkol sa kanyang medical examination.
Sa desisyong inilabas noong January 9, tinanggihan ng korte ang kahilingan ng kampo ni Duterte na dalhin sa ICC Appeals Chamber ang usapin sa pagitan ng Registry at ng panel ng mga medical experts.
Ayon sa ICC, inuulit lamang ng depensa ang mga argumentong naresolba na sa naunang desisyon noong Disyembre, at mali umano ang interpretasyon nila sa naging pasya ng korte. Iginiit ng chamber na sapat na ang impormasyong hawak ng depensa at hindi kailangan ang karagdagang pagbubunyag ng mga komunikasyon.
Nauna nang itinanggi ng ICC noong January 7 ang hiwalay na kahilingan ni Duterte para sa karagdagang medical expert report.
Patuloy ang pag-usad ng kaso habang nananatiling nakakulong ang dating pangulo sa ilalim ng hurisdiksyon ng ICC.
