Ipinagpaliban ng International Criminal Court (ICC) ang nakatakdang confirmation of charges hearing laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte, matapos ihain ng kanyang kampo ang mosyon na umano’y hindi siya akmang humarap sa paglilitis.
Sa desisyong inilabas nitong Lunes, Setyembre 8, sinabi ng Pre-Trial Chamber I na ang nakatakdang pagdinig sa Setyembre 23 ay kakanselahin at ireschedule “hanggang sa karagdagang abiso”.
Batay sa 2-1 na boto, naniniwala ang mga mahistrado na kailangan muna nilang pagpasiyahan ang isyu ng kalusugan ni Duterte bago ipagpatuloy ang proseso.
• Pabor sa pagpapaliban: Judge Iulia Antoanella Motoc at Judge Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou
• Hindi sang-ayon: Judge María del Socorro Flores Liera, na iginiit na dapat nagpatuloy ang pagdinig dahil ang isyu ng “fitness” ay saklaw ng trial chamber, hindi ng pre-trial.
Ayon sa depensa, si Duterte, 80-anyos, ay “mentally o physically unfit” para makilahok sa paglilitis at humiling sila ng indefinite adjournment. Tinutulan ito ng prosekusyon at ng kinatawan ng mga biktima, bagama’t pumayag ang prosekusyon sa maikling palugit para agad na mapagdesisyunan ang isyu.
Dagdag ng ICC, pansamantala lang ang postponement at maglalabas sila ng bagong iskedyul kung sakaling matukoy na maaari nang makilahok si Duterte.
Background:
• Noong Marso, unang humarap si Duterte sa ICC sa pamamagitan ng virtual appearance matapos sabihing “mentally aware and fit” siya ng doktor ng korte.
• Ayon sa tala, 303 biktima ng drug war ang nais lumahok sa pre-trial proceedings.
• Dinala si Duterte sa The Hague matapos ipatupad ng mga awtoridad ng Pilipinas ang kanyang arrest order.
Sa ngayon, nakatutok ang lahat kung paano magdedesisyon ang ICC hinggil sa tunay na kondisyon ni Duterte at kung kailan muling itatakda ang pagdinig.
