Humingi ng paumanhin si RM ng BTS matapos niyang amining minsang naisip ng grupo ang disbandment, na nagdulot ng pangamba sa kanilang mga fans. Sa isang sulat sa WeVerse noong Dec. 9, inihayag niya na ang kanyang pahayag ay dulot ng “personal frustration” at humihingi siya ng pag-unawa mula sa ARMY.
“Pasensya na kung napagod ko ang maraming ARMY sa livestream dalawang araw ang nakalipas. Maraming mensahe ang dumating mula sa nag-aalala sa akin. Pinagsisisihan ko ang sinabi ko, pero sa oras na iyon, nadama ko lang ang pagkadismaya,” ani RM.
Hinimok din niya ang fans na maging maunawain sa kanya at sa grupo habang ipinagpapatuloy niya ang kanyang mga idol activities. Ibinalita rin niya ang kanilang comeback, na magiging unang full-length album ng BTS sa halos anim na taon at inaasahang ilalabas sa Marso 2026. Ito rin ang unang pagkakataon sa halos apat na taon na muling magtatagpo ang lahat ng pitong miyembro para sa recording.
Sa livestream noong Dec. 6, ibinahagi ni RM ang hirap ng grupo sa kanilang hiatus, kabilang ang kakulangan sa tulog, matinding pressure, at paghahanda para sa comeback. Ngunit tiniyak niya na ang desisyon nilang magpatuloy ay batay sa pagmamahalan ng miyembro at respeto sa fans.
