Sa halip na humarap sa pagdinig ng Kamara tungkol sa fake news, tatlo lang sa 41 na imbitadong online personalities ang sumipot kahapon, dahilan para maglabas ng show-cause orders ang mga mambabatas.
Ayon kay Rep. Dan Fernandez, lahat ng lumiban ay nagpadala ng excuse letters. Isa na rito si dating press secretary Trixie Cruz-Angeles, na hindi lang tumangging dumalo kundi kinuwestiyon pa ang legalidad ng pagdinig.
“Ako po ay magalang na tumatanggi sa imbitasyong ito dahil kinukwestyon ko ang legalidad ng inquiry at ng panukalang batas na lumalabag sa kalayaan sa pamamahayag,” sabi ni Angeles sa kanyang liham.
Dahil dito, nagbanta si Rep. Joseph Stephen Paduano na maaaring ipasok sa legal department ng Kamara ang posibilidad ng disbarment case laban kay Angeles.
Bukod kay Angeles, kabilang sa inisyuhan ng show-cause order para humarap sa susunod na pagdinig ang mga influencers na sina Elizabeth Cruz (Joie De Vivre online), Krizette Lauretta Chu, Mark Anthony Lopez, Jun Abines Jr., Richard Tesoro Mata, Aaron Peña, Suzanne Batalla (IamShanwein) at Ethel Pineda.
Samantala, ilang personalidad gaya ni Angeles at dating NTF-ELCAC spokesperson Lorraine Badoy ang dumiretso sa Korte Suprema at naghain ng petisyon laban sa Kamara, kasama ang hiling na Temporary Restraining Order (TRO) at Writ of Preliminary Injunction.
Tinukoy nilang respondents sa kanilang petisyon sina Speaker Martin Romualdez, Surigao Rep. Ace Barbers, at ilang miyembro ng tri-committee na sina Rep. Tobias Tiangco, Rep. Jose Aquino II, at Rep. Fernandez.