Narito na ang tunay na labanan sa PBA Commissioner’s Cup quarterfinals! Magnolia Hotshots, bitbit ang pangwalong puwesto, susubukang pabagsakin ang dating koponan ni Zav Lucero—ang top-seeded NorthPort Batang Pier.
Si Lucero, dating UP Fighting Maroon, ang isa sa mga naging susi sa muling pagbangon ng Hotshots matapos ang 3-6 simula. Apat na sunod na panalo, kabilang ang dominanteng 112-81 tagumpay kontra NLEX, ang nagdala sa kanila sa knockout stage. Pero ngayon, ibang hamon ang haharapin niya—ang makipagtuos sa dating teammates na sina Arvin Tolentino at Joshua Munzon, na may twice-to-beat advantage bilang No. 1 team sa elims (9-3).
Pero para kay Lucero, walang personalan—trabaho lang.
“Next team na kailangan naming talunin para umusad. Apat na beses na kaming nagdo-or-die, at ngayon dalawa na lang. Kailangan lang namin ipagpatuloy ang tamang paghahanda at paglalaro gaya ng ginagawa namin lately,” ani Lucero, na hinirang na PBA Press Corps Player of the Week (Jan. 29 – Feb. 2).
Samantala, may kakaibang twist din sa kwentong ito—si Jio Jalalon, na dating Magnolia star, ay nasa kabila nang kampo matapos siyang ipalit kay Lucero noong Hulyo 2024.
Bukod sa Magnolia-NorthPort showdown, dikdikan din ang ibang quarterfinal matchups:
🔥 TNT vs. Hong Kong Eastern – Ang Tropang Giga, na pinangungunahan ni Rondae Hollis-Jefferson, ay may one-win ticket sa semis kontra sa guest team mula Hong Kong.
🔥 Converge vs. Rain or Shine – Pampanga connection? Kalimutan muna! Magsasalpukan ang FiberXers at Elasto Painters sa best-of-three series. Coach Yeng Guiao laban sa mga kababayan niyang sina Dennis Uy at Gov. Delta Pineda ng Converge.
🔥 Ginebra vs. Meralco – Rivalry renewed! Muling maghaharap ang Gin Kings at Bolts sa isa na namang playoff battle. Simula 2016, nagtagpo na sila sa apat na finals, tatlong quarterfinals, at dalawang semis.